Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, napilitang tumigil sa pamamasada ang mga drayber ng mga tradisyunal na jeepney na tinaguriang "hari ng kalsada." At dahil walang pinagkakakitaan, marami sa kanila ang nauwi sa pamamalimos, umaasa sa ayuda, at sa jeep na nakatira.
Ang ilan sa grupo ng mga drayber na kinabibilangan ni Alberto Mina Manuel, ilang dekada nang namamasada ng jeep para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
Ngayong natigil siya sa kaniyang hanapbuhay, nag-aalala ang drayber para sa kaniyang pamilya. Ganito rin ang agam-agam ng maraming katulad niyang drayber na ang pamilya ay sa kanila lang umaasa.
Ang driver na si Jordan Salazar at kaniyang pamilya, sa jeep na ipinahiram sa kaniya ng operator muna nakatira nang palayasin sila sa inuupahang bahay.
May ibang nagbakasali umanong maghanap ng ibang trabaho pero bigo dahil bukod sa marami sa kanila ang may edad na, kulang pa sila sa pinag-aralan.
Papaano na nga ba ang magiging buhay ng mga drayber ng tradisyunal na jeepney at kanilang pamilya ngayong may pandemic? Anong tulong ang maaaring asahan nila sa gobyerno? Tunghayan ang kanilang kuwento sa special investigative report na ito ng "Imbestigador."
--Jamil Santos/FRJ, GMA News