Tumilapon ang isang lalaking tumatawid matapos siyang masalpok ng kotse sa Batangas City.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang pagtawid ng dalawang lalaki sa kalsada sa Barangay Balagtas.

Ilang saglit lang, isa sa mga lalaki ang naunang makatawid.

Gayunman, isang lalaking naka-stripes na t-shirt ang nabangga ng kotse.

Dahil dito, tumilapon ang lalaki, habang tumigil ang nakabanggang driver.

Dinala sa ospital ang lalaking nasalpok.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuha ang pahayag ng mga nasangkot sa aksidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News