Pinagsusumite ng bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr)  na si Vince Dizon ng courtesy resignation ang lahat ng nakaupong opisyal sa pinamumunuan niyang kagawaran.

Sa isang memorandum na may petsang February 24, 2025, inatasan ni Dizon ang mga undersecretaries, assistant secretaries, at directors ng kagawaran na magsumite ng kanilang courtesy resignation bago sumapit ang February 26, 2025.

Layunin nito na mabigyan ng “free hand" ang bagong kalihim "to perform the mandate given to him by the President.”

Sa press conference nitong Martes, kinumpirma ni Dizon ang inilabas niyang memo para sa mga nakaupong opisyal ng kagawaran.

Nilinaw ni Dizon na para lang sa mga senior official ng Central Office ng DOTr ang sakop ng memo, at hindi kasama ang mga “attached agencies and GOCCs.”

“This is standard [memo] for courtesy resignation… It is just a simple gesture of goodwill and good faith to the newly appointed leadership that doesn’t mean that I will accept the courtesy resignations in toto,” paliwanag ng kalihim.

Idinagdag ni Dizon na nagsumite na sila ng listahan sa Palasyo ng mga pangalan na inirekomenda nilang mamumuno sa mga ahensiyang nakapaloob sa DOTr.

Itinalaga si Dizon kamakailan bilang kapalit ng nagbitiw na dating DOTr secretary na si Jaime Bautista.

Kabilang sa mga ahensiyang nakapailalim sa DOTr ang Land Transportation Office, Land Transportation and Franchising and Regulatory Board, Toll Regulatory Board, Manila International Airport Authority, at iba pa. -- mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News