Kalunos-lunos ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol na nasawi matapos ihagis ng kaniyang 18-anyos na ina mula sa bintana ng isang hotel sa Paris.
Ayon sa French prosecutors at isang police source ng Agence France-Presse, isang American student ang ina ng sanggol. Inihagis umano ang sanggol mula sa ikalawang palapag ng hotel sa 20th arrondissement sa eastern Paris.
"The newborn was given emergency care but did not survive," ayon sa prosecutors.
Nakakabit pa ang pusod ng sanggol na binawian ng buhay sa Robert Debre hospital, ayon naman sa police source ng AFP.
Rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng impormasyon na isang sanggol na nakabalot sa tela ang nakita sa harapan ng hotel.
Ayon sa source, nanganak ang 18-anyos na American student sa isang kuwarto ng hotel sa ikalawang palapag, at pagkatapos ay inihagis palabas ng bintana ang kaniyang anak.
Sinabi ng French officials na iniimbestigahan na nila ang insidente, at nasa kustodiya ng awtoridad ang ina ng sanggol na bahagi umano ng grupo ng "young adults" bumiyahe sa Europe.
Dinala rin ang ina sa isang ospital para sumailalim sa gamutan dahil sa kaniyang panganganak.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Paris Match, nasa isang "study trip" sa Paris ang naturang ina, na kasama ng iba pang estudyante mula sa Amerika. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News