Patay ang isang lalaki sa Tondo, Maynila matapos pagbabarilin nitong Linggo ng madaling araw.
Bago nangyari ang insidente, nakita sa CCTV ang pagtakbo ng isang lalaki habang hinahabol ng tatlong lalaki sa Tondo, Maynila.
Makalipas lang ang ilang segundo, nakahandusay na sa loob ng isang e-trike ang lalaking tumatakbo sa video.
Pinagbabaril na pala siya ng isa sa mga suspek.
Ilang minuto bago ang pamamaril, makikita pa ang mga suspek na nakatambay sa kanto.
Maya-maya, napatayo sila at tila mayroong kino-kompronta.
Hindi gaanong hagip sa video pero ito pala ang 40-anyos na biktima na bumili raw ng pagkain sa isang karinderya.
Nakatakbo pa ang biktima sa eskinita hanggang sa makorner na siya at dito na siya pinagbabaril.
Hindi bababa sa 10 bala ang pinakawalan ng gunman.
Sa panayam ng GMA Integrated News sa isa sa mga opisyal ng barangay sa lugar na tumangging ipakita ang mukha sa camera, hindi nila residente ang biktima, maging ang mga lalaki na humabol sa kanya.
Naisugod pa raw sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay nitong Lunes ng umaga.
Ipinagtataka ng barangay kung bakit sa lugar pa nila bumili ng pagkain ang biktima gayong may kalayuan dito ang kanyang inuuwian.
Sabi ng barangay, usap-usapan sa kanila na namemeke umano ng pera ang biktima kaya siya pinagbabaril.
Pinuntahan ng GMA Integrated News ang lugar kung saan sinasabing residente ang biktima. Pero sabi ng barangay doon, hindi nila residente at madalang nilang makita ang biktima.
Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang sinasabing mga kamag-anak niya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at para malaman kung ano ang motibo sa pamamaril. — BAP/KG, GMA Integrated News