Wala nang buhay nang matagpuang nakasilid sa plastic sa kanal ang isang bagong silang na sanggol sa Tagum City, Davao del Norte.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago natagpuan ang sanggol, isang 16-anyos na babae ang isinugod sa ospital dahil sa pagdurugo.
Natuklasan kalaunan na nanganak pala ang menor de edad, ngunit wala ang bata.
Sinabi ng pulisya na nakikipag-ugnayan na sila sa Social Welfare Department dahil menor de edad ang ina ng sanggol, na maaaring maharap sa reklamong infanticide.
Walang pahayag ang babae.
Samantala sa Santo Tomas, Batangas, nakita ang isa ring bagong silang na sanggol sa isang bakanteng lote.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng pulisya na isang 25-anyos na babae ang nakakita sa sanggol at dinala ito sa barangay hall ng Santa Anastacia.
Nasa pangangalaga na ng health workers ang sanggol.
Hinala ng pulisya, posibleng ang babaeng nagdala sa sanggol sa barangay hall ang siya rin mismong ina nito.
Hinahanap na ang naturang babae. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News