Kalunos-lunos ang sinapit ng isang kambing sa San Quintin, Abra matapos itong saktan ng tatlong lalaki na umano'y lasing, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Sa video na kuha ng isa sa tatlong suspek, makikitang ibinalibag, sinipa at pinagsusuntok ng isa sa kanila ang kambing na napag-alamang buntis pa. Dinig din sa video ang tawanan ng mga suspek.

Nalaman lamang ng may-ari ng kambing ang nangyari sa alaga niya nang makita niya ang video sa social media.

Aminado naman ang mga suspek sa ginawa nilang pananakit sa kambing. Anila, lasing sila kaya nila nagawa iyon at nagsisisi na sila.

Posibleng maharap ang tatlo sa paglabag sa Animal Welfare Act. —KBK, GMA Integrated News