Nakulimbat ng tatlong kawatan ang mahigit P13 milyon cash at alahas matapos nilang pasukin ang isang mall sa Tagum City, Davao del Norte.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang nakawan noong gabi ng Martes.
Sinira ng mga suspek ang isang ATM at nakuha ang P4 milyon na pera. Nasa P9 milyon naman ang halaga ng natangay nilang mga alahas.
Ayon sa pulisya, nakapasok sa mall ang mga kawatan sa pamamagitan ng pagbutas sa pader na katabi ng bakanteng lote.
Sa labas umano ng mall nagbabantay ang guwardiya at nalaman na lang ang nangyaring nakawan kinaumagahan.
Hinala ng pulisya, miyembro ng organisadong grupo ang mga kawatan na posible umanong nasa likod din ng panloloob sa isang grocery store sa Davao City, at isa pang mall sa Agusan del Sur. -- FRJ, GMA Integrated News