Nasabat ng mga awtoridad ang mga kahon ng dried seahorse na nagkakahalaga ng P600,000 sa Zamboanga International Airport.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nasabat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 9 at PNP Aviation Security Group ang tatlong kahon na naglalaman ng 46 kilos ng mga dried seahorse.
Sinabi ng BFAR Region 9 na patungong Maynila ang shipment.
Naghinala ang mga awtoridad pagkaraan ng kargamento sa x-ray machine kaya binuksan nila ito.
Ipinagbabawal ang paghuli, pagpatay, at pagbebenta ng dried seahorse sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News