Nasawi ang isang walong-taon-gulang na batang babae matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Zamboanga del Norte. May landslide ding naganap sa Maco, Davao de Oro.
Ayon sa Facebook post ng Coast Guard K9 Force, natagpuan ang labi ng biktima nitong Linggo sa isinagawang search and retrieval operation ng mga awtoridad sa Barangay Tinaplan sa bayan ng Sindangan.
Gumuho ang bahagi ng lupa sa naturang lugar noong Huwebes, Enero 12, dahil sa ilang araw na patuloy na pag-ulan.
Samantala, gumuho rin ang bahagi ng bundok sa bayan ng Maco sa Davao de Oro dahil sa masamang panahon.
Sa isang panayam sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabi ni Engr. Ariel Capoy, officer ng Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office ng Maco, na aabot sa 24 pamilya ang apektado ng landslide habang 13 bahay ang napinsala.
“’Yung iba [kasalukuyang] nandoon sa may covered court… malapit sa barangay hall. Tapos ‘yung iba nanulyan sa mga relatives nila at mga magulang nila,” saad ni Capoy.
Binanggit ni Capoy na high-susceptible sa landslide ang lugar batay sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau,
“Alam na ng mga naninirahan doon [na prone sa landslide]… isa sa mga SOP [standard operating procedure] na kapag may prolonged rainfall… aalis na talaga saka pinaalalahanan sila palagi ng mga [awtoridad] na umiikot doon,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Capoy na nagbigay ng food packs at financial assistance ang lokal na pamahalaan ng Davao de Oro sa mga apektadong residente.--FRJ, GMA Integrated Affairs