Inilahad ni Jennylyn Mercado na nagduda siya sa proposal ni Dennis Trillo na pakasalan siya, at naisip na posibleng ginawa lang ito ng aktor dahil buntis siya.
"Noong una, kasi siyempre Tito Boy buntis na ako noon. So, ang unang nasa isip ko, bakit, dahil ba buntis ako kaya ako papakasalan? Tinanong ko 'yon sa kaniya," sabi ni Jennylyn sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.
"'Kaya mo ba ako pakakasalan kasi buntis ako?'" pag-alala ni Jen, na nagsimulang maging emosyonal habang nakatingin kay Dennis, na panauhin din sa programa.
"Pero hindi naman 'yon 'yung dahilan kung bakit. Kasi noon pa lang, bago pa kami magpakasal, bago pa mag-pandemic at lahat, parang asawa na rin 'yung turingan namin sa isa't isa," paglalahad ni Dennis.
Tinanong ni Tito Boy kung nauunawaan ni Dennis kung bakit ganito ang tanong ni Jennylyn sa kaniya.
"Naiintindihan ko 'yung konteksto. Na-gets ko po 'yun," anang aktor.
"At feeling ko, alam niya naman po iyon dahil sa mga ipinapakita ko sa kaniya, sa ibinibigay ko sa kaniya na love. Pero siyempre, importante sa babae 'yung assurance at security na maibibigay ng isang tao sa kaniya," tugon ni Dennis.
Ikinasal sina Jennylyn at Dennis noon ding 2021.
Mayo 2022 nang isilang ni Jennylyn ang anak nila ni Dennis na si Baby Dylan.-- FRJ, GMA Integrated News