Nalubog sa baha ang hekta-hektaryang taniman ng sibuyas sa bayan ng Bongabon at Gabaldon sa lalawigan ng Nueva Ecijia dulot ng malakas na pag-ulan kamakailan. Ang pag-ani sa mga ito, posibleng maapektuhan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Lunes, sinabing halos 200 hektarya ng taniman ng sibuyas ang binaha na nasa gilid ng ilog.
“’Yung ulan… ‘yung tubig po ang lumunod sa aming sibuyas. Halos ‘yung iba magdamag, kanina lang napatayuan… ‘yung ganoong tubigan po mahihirapan po ma-recover, mga dalawang linggo po,” ayon kay Joel Nodura, isang magsasaka sa Barangay Lusok sa Bongabon.
Nakatakda sanang anihin ang mga sibuyas sa Pebrero pero dahil nalubog sa baha, masuwerte na umano kung makaka-ani ang mga magsasaka ng 50 porsiyento ng kanilang itinanim.
Nanawagan naman sa pamahalaan ang isang lider ng mga magsasaka na kausapin muna sila sa harap ng planong umangkat ng mga imported na sibuyas.
“Doon po sa planong pag-angkat ng gobyerno bago po sanang umangkat magkaroon po sana ng isang talakayan ‘yung katulad naming maliliit na samahan ng magsasaka na maintindihan ng mga magsasaka kung bakit o paano,” saad ni Victor Layug, Chairman ng Pesa Onion and Vegetable Farmers Association.
Sa Barangay Pesa, may mga mangilan-ngilan pa rin ang nag-aani ng sibuyas na tinatawag na "shallot," ayon sa ulat.
Samantala, hekta-hektaryang taniman din sa Barangay Calabasa, Gabaldon ang nalubog sa tubig nang umapaw ang Coronal River bunsod ng pag-ulan, dagdag pa nito. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News