Nasawi ang isang batang lalaki na isang-taong-gulang na anak ng pulis nang aksidente siyang tamaan ng bala ng baril ng kaniyang ama na pumutok makaraang malaglag sa Nueva Ecija.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing nangyari ang trahediya sa mismong bahay ng pamilya sa Barangay Palestina sa San Jose City ng nasabing lalawigan.
Ayon sa pulisya, galing sa trabaho ang amang pulis ng bata nang mangyari ang insidente.
"Ito ay nangyari doon sa kanilang bahay habang pababa yung pulis, ibinababa yung gamit niya, including yung firearm. Aksidenteng nalaglag yung baril at naputukan yung bata," sabi ni Police Leiutenant Colonel Marlou Cudal, hepe ng San Jose Police Station.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa dibdib ang bata at hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Sinubukan na hingan ng pahayag ang pamilya ng biktima pero nakiusap sila na hindi muna magbibigay ng komento, ayon sa ulat.
Samantala, nasa kostudiya ng pulisya ang ama ng bata, at sinabi niyang aksidente ang nangyari.
Paalala ni Cudal sa mga may baril, maging maingat upang maiwasan ang accidental firing.--FRJ, GMA News