Problemado ang mga residenteng nakikinabang sa isang malaking ilog sa Lian, Batangas matapos na magkaroon na naman doon ng "fish kill." Pangatlong beses na raw itong nangyari ngayong taon.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nangyari ang paglutang ng mga patay na isda noong nakaraang linggo partikular sa bahagi ng Barangay Bungahan.

"Marami. Latag diyan sa tabihan kahit sa tubig. Lahat ng klaseng isda nakalutang," ayon kay Cerelina Donato.

May mga residente na sa ilog kumukuha ng kanilang isdang pang-ulam o kaya ay maibebenta para kumita.

Kaya problemado sila matapos ang nangyaring fish kill, gaya ng construction wroker na si Mar Win Labrador, na sa ilog din kumuha ng isda na kanilang kinakain para makabawas sa gastusin.

Sabi ni Labrador, ito na ang ikatlong pagkakataon na nagkaroon ng fish kill sa ilog ngayong taon.

Ang hinala ng mangingisdang si Apolinario Morales, may nagtatapon ng nakalalasong kemikal sa ilog na dahilan para mamamatay ang isda.

Kaya hiling niya sa mga awtoridad, bantayan at alamin kung saan posibleng nagmumula ang nagtatapon ng kemikal sa ilog.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-Batangas), sa insidente pero posible umanong may kinalaman ang panahon sa dahilan ng pagkamatay ng mga isda.

"Yung init, tapos ulan. Puwede rin po kasi na main cause 'yon. Pag-deplete po yung oxygen dahil dun sa panahon. Hindi rin po natin masabi kung may abnormalities ba sa tubig," ayon kay Krystine Escodura, OIC-BFAR, Provincial Fishiries Office-Batangas.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang punong barangay ng Bungahan, habang tumanggi munang magbigay ng komento ang municipal environment office ng Lian na nagsasagawa rin ng pagsusuri sa tubig ng ilog, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News