Isa patay at 3 ang sugatan matapos bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa kasalubong na truck sa Iloilo. Ayon sa pulisya, nakainom ang mga nakasakay sa kotse.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Martes, makikitang wasak ang harapan ng kotse matapos sumalpok sa truck sa highway na bahagi ng Barangay Cahaguikican sa bayan ng Pototan, Iloilo.

Ayon sa isang saksi, nadinig niya ang pagbusina ng truck at nasundan ng malakas na tunog ng banggaan.

Sugatan ang driver ng kotse na si Dan Justin Bastolero, at mga sakay niyang sina Jomari Supo at Joseph Larcera.

Isa pang sakay ng kotse ang nasawi na hindi pa pinangalanan ng pulisya.

Ayon sa mga awtoridad, nakainom ng alak ang mga sakay ng kotse.

Sinabi naman ng driver ng truck na si Rey De Pedro, lumihis ng linya ng kalsada ang kotse kaya sumalpok sa kaniyang truck.

Nasa kostudiya ng Potatan police si De Pedro. --FRJ, GMA News