Naaresto na ang suspek sa pananaksak at pagpatay sa isang 23-anyos na ina, at sa kaniyang batang anak na babae at pamangkin sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang suspek na naaresto sa Tarlac kanina na si Vergel Navalta alyas Mark De Guzman, isang construction worker.

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pagnanakaw ang nakikitang motibo sa karumal-dumal na krimen.

Kalalaya lang daw sa kulungan ng suspek, at may standing arrest warrant para sa kasong pagnanakaw sa Pangasinan.

Nagkaroon na rin umano noon ng kasong panghahalay sa Cavite ang suspek na nakapiit na sa Cainta police station.

Matatandaan na nakita noong nakaraang Miyerkules na patay na ang mga biktima sa kanilang inuupahang apartment.--FRJ, GMA News