Apat ang sugatan at nagkalat sa highway ng Tagkawayan, Quezon ang mga bote at lalagyan ng serbesa nang maaksidente ang truck na kinalalagyan ng naturang inumin.
Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, inararo ng trailer truck na may kargang mga serbesa ang dalawang motorsiklo, isang delivery van at isang AUV sa Quirino Highway sa Barangay San Francisco dakong 5:00 pm nitong Huwebes.
Patungo umano sa Bicol ang trailer truck habang tinatahak naman ng mga inararong sasakyan ang direksyon pa-Maynila.
Mabilis umano ang takbo ng trailer truck kaya tumagilid pa ito sa highway matapos iwasan ang iba pang kasalubong na mga sasakyan.
Sa pagtagilid ng truck, nagkalat sa highway ang serbesa.
Nasugatan ang mga rider ng dalawang motorsiklo, driver ng delivery van at ang driver ng truck.
Mabilis naman rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection.
Ito na ang ika-limang aksidente na naganap sa Quirino Highway sa loob lamang ng isang linggo kung saan lima na ang nasasawi.
Kamakailan lang, nasawi at nagkalasug-lasog pa ang katawan ng isang babae at isang lalaki matapos silang masalpok ng isang pampasaherong bus sa Quirino Highway sa Barangay Rizal sa Tagkawayan rin.
--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News