Nanging atraksyon ngayon sa bayan ng Lucban sa lalawigan ng Quezon ang isang bahay na nagniningning dahil sa magarbong pailaw at palamuti na kanilang dekorasyon ngayong Kapaskuhan.
Nagliliwanag kung gabi ang paligid ng bahay sa dami ng Christmas lights. Ang kumukutikutitap na bahay ay sinabayan pa ang mga awiting pamasko na talagang kinagigiliwan ng mga taga-Lucban.
Ang mga residente sa bayan ay nagsasadya pa sa lugar upang masilayan ang mga palamuti at pailaw. Hindi maiwasan ang mag-selfie kahit ng mga napapadaan lang sa harap ng bahay.
Ayon sa may ari ng bahay, ginawa nila ito upang magbigay ng kasiyahan ngayong panahon ng pandemya.
Pagsapit daw ng December 24 ay bubuksan nila ang kanilang tahanan sa publiko upang masilayan din ang inihahanda pa nilang dekorasyon sa loob ng bahay. Magbabahagi rin daw sila ng mga regalo sa nga kababayan. —LBG, GMA News