Isang lalaki at dalawa niyang kasamahan na magre-report sana sa pulisya sa Imus, Cavite tungkol sa nawawalang sasakyan ang hindi na nakauwi sa kani-kanilang pamilya.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing Agosto 28 nang magpunta si Aurelio Manalo sa Highway Patrol Group sa Imus para ipa-alarma ang nawawala niyang sasakyan na ginamit sa car rental.

Kasama raw ni Manalo nang mag-report sa HPG ang mga kaibigan na sina Francis Latog at Fahad Haidarah, na nawawala rin.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na ang nawawalang sasakyan ni Manalo ay ipinasok niya sa car rental business ni Latog.

Pero nang iparenta raw ang sasakyan sa isang kasosyo ni Latog, hindi na raw ito naibalik.

Ayon sa asawa ni Latog na si Gemma, may tatlo rin silang sasakyan na pinarentahan ang nawawala rin.

Mula raw nang magsampa raw sila ng kaso sa pinaniniwalaan nilang nasa likod ng pagkawala ng kanilang sasakyan, may umaaligid na raw sa kanilang lugar at nakatanggap ng banta ang kaniyang mister.

Naniniwala rin si Rommel Manalo na ang pagkawala ng kaniyang kapatid ay may kaugnayan din sa nawawalang sasakyan.

“Ang sabi magpapa-alarm lang sila... pero nung gabi hindi na makontak, nagka-cancel na ng tawag, hindi gawain yun ng kapatid ko," sabi ni Rommel.

Nagsasagawa na raw ng imbestigasyon ang mga awtoridad at pinag-aaralan ang ruta ng sasakyan at lugar na pinuntahan ng tatlong nawawala.

Panawagan naman ng mga pamilya ng mga nawawala, tulungan silang mahanap ang tatlo at maibalik nang ligtas. --FRJ, GMA News