Arestado sa checkpoint sa San Rafael, Bulacan ang dalawang hinihinalang miyembro ng "salisi gang," ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Pinababa ng pulis ang mga sakay ng taxi na sina Dante Lavetes at Rolando Navarro at pagkatapos ay pinadapa sila sa kalsada at pinosasan.
Nang kapkapan, nakuha mula sa mga suspek ang tatlong cellphones na ninakaw umano sa isang convenience store batay sa kuha ng CCTV.
Sa kuha ng CCTV, kita si Navarro na labas-pasok sa convenience store habang nililito ng isa pa nilang kasabuwat ang crew.
Matapos matangay ang mga cellphone ay sumibat si Navarro sakay ang taxi na minamaneho ni Lavetes.
Ayon kay Lavetes, inarkila lang siya ni Navarro sa halagang P4,000. Hindi umano niya alam na magnanakaw ito.
Patuloy namang tinutugis ang dalawa nilang kasamahan na kapwa babae. —KBK, GMA News