Anim na volunteer para sa senatorial candidates ng Otso Diretso ang nasawi isang road accident habang nangangampanya sa Baguio City.

Sa isang pahayag ng Otso Diretso, sinabing sakay ng isang sasakyan ang mga biktima nang maganap ang sakuna sa Barangay Suello nitong Martes.

Kinilala ang mga biktima na sina Julia Labi, Adelina Agsaoay, Elizabeth Panis, Richelda Abigar, Josephine Ag-a, at John Roy Passi.

Hindi binanggit sa pahayag ang detalye ng nangyaring aksidente.

"We were devastated kasi the lifeblood of the Otso Diretso are the volunteers. Part of us bled. Nag-pray kami," pahayag ni Samira Gutoc, sa mga kandidato ng Otso Diretso nang makapanayam nitong Huwebes.

"On behalf of Otso Diretso, and all the 60,000 volunteers worldwide, kami po ay nakikiramay.... Kami ay nagpapasalamat at nakikiramay sa mga taga-Baguio, especially sa volunteers ng Otso," dagdag niya.

Sa Facebook post, nagpaabot din ng kaniyang pakikiramay sa pamilya ng mga mga biktima si dating Solicitor General Florin Hilbay, isa rin sa mga kandidatong senador.

"Malalim na pakikiramay sa pamilya ng ating mga Otso Diretso volunteers. Kasama ako sa inyong dalamhati at kalungkutan," saad niya.

"Mula sa akin, sa aking pamilya, at sa buong campaign team, maraming salamat sa ibinuhos niyong oras, lakas, at buhay para sa kampanya," ayon pa kay Hilbay. — FRJ, GMA News