Sinalakay ng mga pulis ang dalawang spa sa Las Piñas na umano'y may "extra service" na iniaalok bukod sa pagmamasahe.
Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa "Balitanghali" ng GMA News TV nitong Linggo, nakumpirma ng mga operatibang nagpanggap na mga customer ang iligal na serbisyong nagaganap sa loob ng mga spa na ito.
"Yung mga spa na ito ay sinasabi nila po na may nangyayaring bayaran kapalit ng sex. 'Nung napag-alaman naming totoo, nagsagawa na kami ng operation," ayon kay Police Colonel Simnar Gran, hepe ng Las Piñas Police.
"Isa rin ito na pagsagawa namin upang hindi po kumalat din ang communicable disease as well as the sexually transmitted disease sa aming lugar," dagdag niya.
Arestado sa unang spa sa Alabang-Zapote Road ang dalawang masahista at isang buntis na kahera.
P3,000 umano ang halaga ng "extra service" doon ayon sa pulisya.
Pareho rin ang presyo ng serbisyo sa isa pang sinalakay na spa.
Sampung masahista ang arestado rito. Babae ang tatlo sa kanila samantalang pito naman ang lalaki. Timbog din sa operasyon ang kanilang manager.
Itinanggi ng 14 na naaresto na mayroong nagaganap na kalaswaan sa loob ng kanilang mga spa.
Mahaharap sila sa kasong may kinalaman sa prostitusyon.
Posible rin umanong maharap sa reklamong paglabag sa ordinansa ng lungsod ang mga may-ari ng dalawang spa dahil sa kawalan ng health certificate.
Expired na rin daw ang business at mayor's permit ng unang sinalakay na spa samantalang wala pang naipapakitang kaukulang papeles ang ikalawa. —Dona Magsino/LBG, GMA News