"Parang hayop po ang ginawa nila sa asawa ko. Sinunog ho nila." Ito ang hinanakit ng isang ginang sa sinapit ng kaniyang mister na natagpuan ang bangkay sa Calamba, Laguna, sampung araw matapos na kunin sa kanilang bahay.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nakilala lang ang sunog na bangkay ni Arnel Hutalla, 42-anyos, dahil sa suot nitong relo na kinilala ng kaniyang kinakasama na si Mildred Manasan.
Nakita ang sunog na sunog na bangkay ni Hutalla sa isang pribadong lupa sa barangay Puting Lupa sa Calamba, pagkaraan ng sampung araw matapos siyang mawala mula nang kunin sa kanilang bahay noong May 19.
"Nagmamakaawa ang asawa kong ayaw sumama. Ang sabi, 'sakay, sakay!' Sinabi ng asawa ko, sige pagbibigyan na kita," kuwento ni Mildred.
Nawawala rin daw ang P20,000 na dala ng biktima.
"Okay lang ho sana kung pera ho ang kinuha nila, hindi ho buhay ng asawa ko. Parang hayop po ang ginawa nila sa asawa ko, sinunog ho nila," umiiyak niyang hinanakit.
Onsehan sa droga ang isa sa mga tinitingnang anggulo ng pulisya sa karumal-dumal na pagpatay at may tinututukan na rin umano silang person of interest.-- FRJ, GMA News