Maiibsan ang sakit sa katawan at bulsa ng mga Transpinay na nais sumailalim sa gender affirming surgery o pagpapalit ng maselang bahagi ng katawan dahil ang isang hostel sa Thailand na negosyo ng isang Pinoy, na nag-aalok ng room accommodation at assistance para sa kanilang operasyon.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," mapapanood ang isang video ng mga trans-Pinay na iika-ikang maglakad at tila may iniinda sa departure area sa isang airport sa Bangkok.

Ilang saglit pa, isinakay na sila sa wheelchair papunta sa boarding gate pauwi ng Pilipinas.

Isa sa naturang mga pasahero na nakuhanan ng video sa airport ay ang 31-anyos na fashion designer na si Zyrill Jane Jacinto, na taga-Pandi, Bulacan.
Kabilang siya sa mga sumailalim sa operasyon. At bahagi ng kaniyang pagpapagaling ang paghuhugas sa sugat sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Kasama sa naturang proseso ang pagpapasok ng isang piraso ng kahoy sa "bago" niyang ari upang hindi umano bumabaw o sumikip.

Kuwento ni Jacinto, nag-check-in sila ng mahigit isang buwan sa isang hostel sa Bangkok kung saan isinagawa ang kanilang gender-affirming surgery, o operasyon para palitan ang kanilang ari na naaayon sa kanilang kagustuhan.

Ang naturang hostel, pagmamay-ari ng isa ring Pinoy na dating guro at naging negosyante na si Simon Po.

Si Po ang magre-refer ng kanilang guests sa mga clinic at doktor, at tinutulungan nila ang mga ito hanggang sa matapos nila ang kanilang operasyon.

Kasama na sa halagang P163,000 ang gender-affirming surgery, daily breakfast, hotel accommodation, at mga nurse at assistant na aasikaso sa guests.
Tumatagal ng 21 araw ang pananatili ng guests sa naturang hostel hanggang sa makayanan na ng mga ito na bumiyahe pauwi ng Pilipinas.

Mas mura ang gender affirming surgery sa lodging house ni Po sa Thailand, kumpara sa Pilipinas na aabot sa P500,000.

"Importante na ang pasyente ay physically fit to undergo this strong surgery. Sa lahat naman ng operasyon pwede kang maka-cause ng death, infection," ayon sa gender affirmation surgeon na si Dr. Alvin Jorge.

Paliwanag naman ng psychiatrist na si Dr. Randy Dellosa, "irreversible" ang sex reassignment surgery o hindi na puwedeng ibalik sa dati. Kaya kailangan nilang maging sigurado sa kanilang pagdadaanan.

Anu-ano nga ba ang mga kuwento sa likod ng pagpapalit ng ari ng ilang Transpinay? Matatanggap kaya ito ng kanilang mga magulang gaya ni Jacinto? Tunghayan ang buong istorya sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News