Nagbabalik si Winwyn Marquez sa pageant stage bilang pambato ng Muntinlupa City sa Miss Universe Philippines 2025.
Ito ang inanunsyo sa isang official sashing and media launch event nitong Sabado, kung saan sinabi ni Winwyn na dalawa hanggang tatlong buwan na siyang nagte-training.
“I’m really someone who takes on opportunities, especially when it feels right. And this moment is right for me. Kung na-feel ko na parang panahon para sa ‘kin, gagawin ko,” sabi ni Winwyn.
Sa Chika Minute report naman ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend, sinabi ni Winwyn na hindi niya itinuturing isang risk ang muli niyang pagsabak sa pageant.
"For me I'm more scared of the question of 'what if?' I do not want any regrets, and opportunities like this came to me, I have to grab it. Hindi natin alam kung kailan ulit mangyayari 'yon."
Bago nito, wagi si Winwyn bilang Reina Hispanoamericana 2017, na siyang kauna-unahan sa Pilipinas.
Matatandaang binago ng Miss Universe pageant ang kanilang mga alituntunin noong 2023 kung saan puwede nang sumali ang mga kandidata sa kabila ng kanilang marital at parental status.
Kasama ni Winwyn sa pag-aanunsyo ng muli niyang pagsali ang anak na si Luna, na kaniyang inspirasyon. Isinilang niya si Luna noong 2022.
''I want her to watch me on stage, and when she grows up, say, 'My mom joined Ms. Universe Philippines. My mom didn't give up on a dream.' And that for me is a win already," anang beauty queen.
Present din sa media launch ang kaniyang pinsan na si Ms. Universe Philippines 2023 Michelle Dee.
"There was no doubt that I would do that, of course she's my cousin. But she's also not very hard to support. Again, she's so kind, she's so talented, she has so much potential, and I know that her heart is in the right place," sabi ni Michelle.
"She is one of the best embodiments of a modern-day Filipino mother," dagdag ni Michelle. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News