Nasawi ang isang barangay kagawad at naputulan ng dalawang binti ang kaniyang kasama, nang sumabog ang nakita nilang vintage bomba nang kanilang lagariin para mabuksan sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing agad na nasawi ang 42-anyos ang biktima, na isa ring house contractor.
Dinala naman sa ospital ang kaniyang kasamahan na manggagawa na nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan, at naputulan pa ng dalawang binti.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakita umano ang bomba sa isang construction site na proyekto ng biktima. Dinala umano ang bomba sa bunkhouse at nilagare para buksan upang malaman ang laman nito.
Pero habang binubuksan nila ang bomba, sumabog ito na dahilan ng agad na pagpanaw ng kagawad.
Susuriin ng Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) ang lmga bahagi ng bomba para malaman kung anong uri ito ng pampasabog at saan galing.
"Sa mga naka-discover ng ganito, Sir, kapag nakakita ng ganyan, i-report agad. Huwag nilang kunin o hawakan, huwag nilang lagariin. Hindi lang ito [ngayon] nangyari, dati sa previous years din may naputulan ng kamay," ayon kay Police Major Nova Lyn Aggasid, spokesperson, Nueva Vizcaya PPO.-- FRJ, GMA Integrated News