Ipinatigil ng Department of Migrant Workers (DMW) Regional Office VII (RO-VII) ang hindi umano awtorisadong recruitment operation ng mga guro sa Cebu City para ipadala sa Alaska, USA dahil sa kawalan ng kaukulang mga permit.
Ilang daan na mga aplikanteng guro mula sa Visayas at Mindanao ang nagtungo sa isang hotel sa Cebu City na umaasang makakakuha ng oportunidad na makapagtrabaho sa Amerika.
Pero sa isinagawang pag-inspeksiyon sa pangunguna ni DMW RO-VII Officer-in-Charge at Regional Director Maria Eloida O. Cantona, kasama ang mga tauhan mula sa Migrant Workers Protection Division, lumitaw na walang Letter of Authority (LOA) sa ginagawang recruitment na pangunahing rekisitos sa overseas job placements.
“Those facilitating the screening and interview failed to present their Letter of Authority or LOA. So, we asked them to stop,” saad ni Cantona sa inilabas na pahayag ng DMW.
Ang LOA ay isang opisyal na dokumento na ipinagkakaloob ng DMW na nagpapahintulot sa mga accredited foreign principals o kanilang mga kinatawan na magsagawa ng mga aktibidad sa pangangalap sa labas ng rehistradong business address ng isang lisensiyadong ahensya.
Ipinaliwanag pa ni Cantona na ang mga kinatawan ng distrito ng paaralan, kabilang ang mga punong-guro at superintendent, ay direktang nagtatanong sa mga aplikante.
Gayunpaman, walang lisensiyadong recruitment agency ang naroroon upang magmasid o mag-akredit sa proseso ng pangangalap, na lumalabag sa standard procedures.
“We caution the public to be wary and vigilant of these recruitment activities that are becoming so prevalent, anyone would think they are legitimate. For those who want to work overseas, always check whether you are engaging with a licensed recruitment agency or not or whether their job orders have been posted on the DMW Website or otherwise. It’s very important that we are always alert,” ayon kay Cantona.
Kinumpirma sa GMA Integrated News ni Alaska Deputy Commissioner of Labor Nelson San Juan, na nakatanggap sila ng ulat mula sa Pilipinas tungkol sa naturang insidente.
"We heard from the team in the Philippines and were informed that DMW visited the recruitment event in Cebu, reviewed documents, but made no arrests,” ani San Juan.
Nanawagan ang DMW sa publiko na isumbong sa kanila ang mga kahina-hinalang recruitment activities sa kanilang lugar.— mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News