Masayang ikinuwento ni GMA resident meteorologist Nathaniel "Mang Tani" Cruz kung paano siya nagsimula bilang isang weather forecaster sa telebisyon para sa PAGASA at kamay lang niya noon ang nakikita sa camera at dinig ang boses.
Sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga," sinabi ni Mang Tani, na 22-anyos siya nang nagsimula siyang forecaster at kaka-graduate lang niya sa kolehiyo.
"Kaya lang sa TV noon, kamay ko lang 'yung ipinapakita... Ako ang nagsasalita. 'Yung lapis, itinuturo ko 'yung bagyo," masayang balik-tanaw ni Mang Tani.
"Siguro wala pang sponsor kaya ganu'n lang ipinapakita, hindi 'yung mukha ko," biro pa ng resident meteorologist.
Pero kahit na hindi ipinakikita ang kaniyang mukha sa TV, may mga nagulat nang malaman na siya ang tao sa likod ng kamay at lapis, at boses na nagbibigay ng ulat panahon.
"Pero nakatulong 'yon dahil noong minsang nagpunta ako ng Mindanao, sumakay ako ng bapor, sabi sa akin ng nakatabi ko, 'Anong trabaho mo?' Sabi ko taga-PAGASA ako, forecaster ako, sabi ko 'Ako 'yung nagtuturo ng lapis doon.' 'Ikaw 'yon?' Alam niya," kuwento ni Mang Tani.
"Tuwang-tuwa siya na nakita niya, nakilala niya 'yung lapis na 'yon, ako 'yung nagtuturo no'n" biro pa ni Mang Tani, na tumagal sa PAGASA.
Sabi pa ni Mang Tani, ang batikang Filipino meteorologist na si Amado Pineda, ang nagsilbi niyang mentor at nagbigay din sa kaniya ng pagkakataon na maging isang weather presenter sa bansa.
Tulad ni Mang Tani, naging weather preseter din si Pineda sa GMA Network.
"Ngayon kino-consider ko 'yung sarili ko na reporter noong bumalik ako from Australia 2012 at ang trabaho ko na talaga ay resident meteorologist ng GMA," ayon kay Mang Tani.
Kapuso na rin ang isa pang kilalang weather presenter na si Kuya Kim Atienza.
--FRJ, GMA News