Bukod sa lumalabas na ang kakulitan, nakakaintindi na rin ng apat na lenggwahe na English, Filipino, Spanish at French ang anak nina Solenn Heussaff at Nico Bolzico na si Baby Thylane.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing personal na desisyon ni Solenn na hindi muna tumanggap ng mga acting project na may lock-in taping.
Abala si Solenn sa kasalukuyan sa kaniyang pagiging full-time mom kay Baby Tili, at nakatutok siya sa anak mula cooking at baking at pagpipinta.
Lumalabas na rin ang kakulitan ni Tili ngayong 19 buwan na siya.
"Marami akong DIY projects with her kahit 19 months pa lang siya. We do a lot of cooking, like I let her touch and play with the flour, we make home-made playdough. We do a lot of exercise, nagbi-build kami ng castles with the pillows. As in normal play," sabi ni Solenn.
Bukod dito, nakakaintindi na si Baby Tili ng English, Filipino, Spanish at French.
"'Pag kasama niya ako usually puro French, 'pag kasama niya si Nico puro Spanish. Kapag kasama niya 'yung mga mom ko and everything, usually it's English, Tagalog. Ako naman I mix with English, as in naintindihan niya lahat," sabi ni Solenn.
"Like if I give instruction in French, gagawin niya. If Nico gives her an instruction in Spanish gagawin niya 'yung inutos ni Nico. So magaling talaga, as in magaling talaga kapag bata, they are really quick to learn. When we give her 'yung five minutes of TV a day, if she wants, usually 'yung cartoon is Spanish or French," anang Kapuso actress-host.
Nagkomento rin si Solenn sa napansin ng netizens na pagiging natural bibong vlogger at charming ni Tili.
"Super madaldal siya so she is always so funny to look at. Super entertaining siya. She always says hi to everyone, she's talking in English, Tagalog, French, Spanish, lahat ng language nami-mix niya." – Jamil Santos/RC, GMA News