Gabi na nang makita ng GMA News si Kenken Nuyad kasama ang kaniyang nanay na si Jhona na nakayapak at balot ng putik ang katawan matapos manawagan ng child actor upang humingi ng tulong.
Nanawagan si Kenken matapos na bahain, masira ang kanilang bahay at ma-stranded ang kanilang pamilya sa Barangay San Jose sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing na-stranded sa kanilang bahay sa Kasiglahan Village si Kenken, at nag-Facebook live siya para ipakita ang taas ng tubig sa kanilang lugar.
Kasama ni Kenken ang kaniyang mga kapatid at ilang kapitbahay sa rooftop ng kanilang kapitbahay, at wala silang magawa kundi pagmasdan ang pagtaas ng tubig.
Nanawagan si Kenken ng live o sa national TV nang makapanayam siya sa "Unang Hirit."
Matapos nito, patuloy na nanawagan ang programa para masagip ang iba pang naipit sa baha tulad ni Kenken.
Tinungo ng GMA News ang Rodriguez, Rizal, pero hindi agad na-contact si Kenken. Gabi na nang muli siyang makita at ang kanyang ina.
Humupa na ang baha pagdating ng tanghali ng Huwebes kaya nakabalik na sila sa kanilang bahay pero nadatnan nilang sira na ang halos lahat ng kanilang gamit.
"Naghintay lang po kami, wala na po 'yung tubig. Tapos bumalik na po kami sa bahay," sabi ni Kenken.
Para sa aktor, hindi niya malilimutan ang delubyong kaniyang pinagdaanan at ng kaniyang pamilya.
"Nasa ulan po ako, nag-iiyakan na po kaming magkapatid po. Kaya naawa rin po ako sa mga kapatid ko po. Sa alaga ko rin po, parang wala na po talaga akong pag-asa," ani Kenken.
Naiwan daw ang ina ni Kenken sa kanilang bahay at inuna ang mga anak na iniakyat sa mas mataas na bahay.
Nakasunod naman ang ina ni Kenken siya kalaunan.
"Hindi rin ako mapakali. Kahit na hindi ako marunong lumangoy, nanghingi pa rin talaga ako ng tulong para mapuntahan ko po sila," sabi ni Jhona Nuyad, ina ni Kenken.
Nananawagan ang child actor at kaniyang mga kapitbahay ng tulong para makabangon sila mula sa bagyong Ulysses. – Jamil Santos/RC, GMA News