Roller coaster nang ilarawan ng Kapuso actress na si Joana Marie Tan ang kaniyang pagiging first time mom.
"Parang roller coaster... Taping-wise, work-wise, before nu'ng dalaga pa ako kapag magte-taping siyempre 'yung schedule namin the whole day hanggang kinabukasan. Pag-uwi ko sa bahay, tulog ako, walang kain, tulog lang ako. Kung gaano kahaba 'yung oras na tinrabaho ko, 'yung ipapahinga ko the next day ganu'n din kahaba," kuwento ni Joana sa GMA Regional TV Early Edition.
Ngunit nag-iba raw ang kaniyang sistema noong maging isang mommy na siya.
"Pero 'pag mommy ka pala, para kang merong body clock. Nararamdaman mo kapag gising na siya kahit umuwi ako dito ng 7 a.m., kasi siyempre may biyahe pa, malayo 'yung location, kahit umuwi ako dito ng maaga na, basta alam ko na 'pag gising na rin siya, nagigising na rin ako agad. Ganu'n pala 'yon," saad ni Joana.
"Na lahat, kahit pagod na pagod ka na, kakayanin mo pa rin," dagdag ng aktres.
Sa ulat ng GMANetwork.com, sinabing isinilang ni Joana ang kaniyang anak na si Baby Briella Sasha o Brie noong Disyembre 20, 2017.
Sa murang edad, alam na raw ni Brie kung paano huhulihin ang kaniyang loob.
"Pero ang sarap sa feeling kasi kunwari kasi minsan galit na galit na ako sa kaniya tapos sobrang nakukulitan na ako, pero bigla niyang sasabihin 'pag nakikita na niya 'yung itsura ng mukha ko, ang galing din ng mga bata eh. Alam nila kung paano ka hahatakin pabalik, sasabihin lang nila sa akin, 'Mommy love you. Super love!' Gaganunin nila ako kaya wala na, okay na ako ulit," ani Joana.
Muling mapapanood si Joana sa "Truly. Madly. Deadly" episode ng Kapuso drama anthology na "I Can See You," kung saan makakasama niya sina Dennis Trillo, Jennylyn Mercado at Rhian Ramos.
Si Joana ang gumanap bilang ang batang si Eunice Aragon sa "Stairway to Heaven," at napanood din sa "Magkaagaw" at "Dahil sa Pag-ibig."--FRJ, GMA News