Wagi na naman ang mga Pinay sa katatapos lang na 2018 Miss Tourism International sa Malaysia nang tanghaling Dream Girl of the Year International ang Mutya ng Pilipinas 2018 na si Julieane Aya Fernandez.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dumating si Aya sa bansa suot ang kaniyang corona at sash.

"Sobrang nagpapasalamat ako sa support ng mga Pilipino kasi po nu'ng nandu'n ako, siyempre ibang bansa pero parang feel at home pa rin," ayon sa beauty queen.

Ayon kay Aya, bigla siyang pinagtuunan ng pansin ng mga tao at ng mga kapwa niya kandidata mula sa 45 bansa dahil na rin sa pagkawagi ni Miss Universe Catriona Gray.

"Lahat sila, 'Naku, Philippines, you're a threat, you're a bigger threat now.' And ang mas nakakatuwa po nu'n, 'yung mga kabayan po na nasa Malaysia, 'pag nakikita po nila ako, 'Ay! Kasamahan ni Catriona,'" sabi pa ni Aya.

Tuloy pa rin si Aya sa kaniyang adbokasiya na sustainable livelihood and tourism kahit pa may international beauty title na siya.

Sinimulan ni Aya ang livelihood project noong 17-anyos pa lamang na nagbibigay ng trabaho sa persons with disabilities.

Magtatapos si Aya sa kursong broadcast communication sa University of the Philippines-Diliman sa 2019.

Sinagot ni Aya ang tanong kung may plano siyang sumali sa iba pang pageant.

"Tingnan po natin," natatawa niyang sabi. "Well, tingnan po natin. Baka po puwede pa. Haha." —Jamil Santos/NB, GMA News