Nagpapagaling na mula sa heart surgery ang komedyante at "Sunday Pinasaya" host na si Joey Paras. Pag-amin niya, hindi siya handa financially sa nangyari sa kaniya dahil sa laki ng halaga na kinailangan sa kaniyang operasyon.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Joey na kinailangan siyang kabitan ng CRTP device o cardiac resynchronization therapy pacemaker para tulungang tumibok nang tama at ma-monitor ang kaniyang puso.
Napag-alaman na hindi ito ang unang pagkakataon na inoperahan siya sa puso. Noong October 2016, sumailalim na rin siya sa angioplasty.
Bumuti umano ang kaniyang kondisyon matapos ang unang operasyon, pero nitong nakaraang Enero ay nakaranas siya nang biglang pag-black out o nawalan ng mahal habang may ginagawang eksena.
Nang sumailalim siya sa ilang pagsusuri, nakitang mataas ang sugar level sa kaniyang dugo at may irregularity sa tibok ng kaniyang puso.
Hinala ng mga doktor, kinakapos siya ng supply ng oxygen sa utak kaya parati siyang nahihilo. Nito namang nakaraang Mayo, nakaranas daw siya nang matinding palpitations kaya minabuti na niyang magpaospital.
"'Yung heart ko kasi hindi siya normal mag-pump. Dapat daw sabay, 'yung sa akin hindi synchronized so kailangan niyang mag-synchronize, kailangan niya itong device na ito," kuwento ni Joey tungkol sa CRTP na ikinabit sa puso niya.
Inabot umano ng isang milyong piso ang gastos sa gamutan, at inamin ng komedyante na hindi siya naging handa sa naturang laki ng gastos.
"So lesson learned dapat tayong mga artista meron savings talaga tayo para sa health natin. And I can really tell na I was really unprepared financially," patuloy niya.
Nagpasalamat naman si Joey sa lahat ng tumulong sa kaniya, nag-alala at nagdasal.
Nagbigay din ng mensahe kay Joey ang ilan sa kaniyang mga kasamahan sa "Sunday Pinasaya."
"Thank God the operation went well and for recovery hoping for fastest recovery. Magtutulong-tulong kaming 'SPS' family for him. Nandito kami palagi," ayon kay Valeen Montenegro.
Sabi naman ni Lovely Abella, "Magpagaling ka 'yun lang. Sinasabi ko sa'yo iwas ka sa mga bawal, bawal and we are always here for you para ipagdasal ka."
"Siyempre po pagaling kayo and marami pa tayong pagdadaanan dito sa 'Sunday Pinasaya,' kaya kapit lang," sabi naman ni Kyline Alcantara.-- FRJ, GMA News