Tila nais gumawa ng record ang isang lalaki sa dami ng kaniyang hinoldap sa loob lang ng ilang oras sa Quezon City at Caloocan City.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sinimulan ng suspek ang panghoholdap sa isang convenience store sa Caloocan City noong Biyernes dakong 11:30 p.m.
Sa CCTV footage, makikita ang suspek na armado ng baril na tinutukan ang mga tauhan ng tindahan para makuha ang pera mula sa cash register saka tumakas.
Makalipas lang ng mahigit isang oras, isang convenience store naman sa Quezon City ang kaniyang biniktima gamit ang kaparehong pamamaraan upang makakuha ng pera mula sa tindahan.
Mahigit isang oras muli ang lumipas matapos niyang iwan ang tindahan sa Quezon City, bumalik siya sa Caloocan at muling nangholdap ng isa pang convenience store.
“Pinapasok n’ya [‘yung mga convenience stores] tinututukan niya yung cashier. Doon, nililimas na niya mga benta ng convenience store na ito. Tina-try niya na pabuksan yung mga vault pero hanggang sa kaha lang ang kaniyang nakukuha,” ayon kay Caloocan Police chief Colonel Edcille Canals.
Dakong 5 a.m. ng Sabado nang makita naman niya ang mag-asawang naglalakad at hinoldap niya sa Quezon City naman ulit.
“Nadaanan lang. Gun point tinutukan, kinuha yung bag na naglalaman ng importanteng dokumento tsaka pera,” dagdag ni Canals.
Ang suot ng suspek sa lahat ng insidente ng panghoholdap, pareho lang.
Naaresto kinalaunan ang suspek sa Baclaran, na kilabot umanong holdaper ng mga convenience store.
“Nahulihan siya ng granada during our follow-up operation. May baril. Naitago na niya. Hindi na natin na recover yung baril,” sabi ni Canals.
Itinuturo ang suspek na umatake rin umano sa San Jose Del Monte at Marilao sa Bulacan.
Miyembro umano ng carnapping at robbery group ang suspek, at nakulong na rin noong 2024 sa kaso ring robbery.
Pero paliwanag ng suspek, pinagbantay lang siya sa labas at nasa motorsiklo lang.
Itinatanggi niya na siya ang nakuhanan sa CCTV camera ng mga convenience store na hinoldap.
“Hindi naman po ako yun eh, dahil nasa Baclaran po ako. Nagta-trabaho po ako,” giit niya.
Mahaharap siya sa mga kasong three counts of robbery at illegal possession of explosives dahil sa nakuhang granada nang arestuhin siya. -- FRJ, GMA Integrated News