Inaasahan ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na mayroong walong lugar sa bansa ang susunod sa Quezon City na magdedeklara rin ng dengue outbreak.

Hindi direktang tinukoy ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo ang walong lugar pero sinabi niyang nasa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, ang mga ito.

“Sa loob ng tatlong rehiyon na 'yun, may siyam na local government units [na may pagtaas ng cases], isa do’n si Quezon City,” pahayag ni Domingo sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Lunes.

Nitong Sabado, nagdeklara ng dengue outbreak ang lokal na pamahalaan bunsod ng pagtaas ng kaso ng nakamamatay na sakit ngayong taon.

Sa 10 namatay na pasyente, walo ang menor de edad.

Mula January 1 hanggang February 14, 2025, nakapagtala ang QC City Epidemiology and Surveillance Division ng kabuuang 1,769 dengue cases sa lungsod, na halos 200% na mas mataas kumpara sa katulad na panahon noong 2024.

Sa buong bansa, nakapagtala rin ng pagtaas ng dengue cases ngayong 2025 na umabot sa 28,234 cases hanggang nitong February 1. Mas mataas ito ng 40% kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na nasa 0.35% ang case fatality rate o nasasawi sa dengue.

Bagaman hindi naman masyadong nag-uulan ngayon, sinabi ni Domingo na ang mga tubig na naiipon mula sa nagdaang pag-ulan ang nagiging breeding grounds o pangitlogan ng mga lamok na may dalang dengue virus.

Ipinaalala ng opisyal na ang mataas na lagnat na umaabot sa 40 °C ang isa sa mga sintomas ng dengue.

“Kunwari, biglang gumaling ang lagnat after mga 4 or 5 days-, minsan doon tayo mas mag-ingat eh. Ang pattern ng dengue fever, tataas 'yan nang napakataas tapos babagsak. Tapos kapag nawala na 'yung lagnat, saka lalabas ang tinatawag na warning signs—pagdurugo ng gilagid, pagpapantal, pag-iba ng kulay ng dumi—which is already an advanced stage, ibig sabihin nagdurugo na sa loob ng katawan,” paliwanag niya.

Lumalabas umano ang mga sintomas ng dengue pagkaraan ng apat hanggang 10 araw matapos makagat ng lamok.

Pinayuhan naman ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, ang publiko na magpunta na agad sa duktor kapag nakaramdam ng mga sintomas ng dengue. — FRJ, GMA Integrated News