Agad napatakbo ang mga residente patungo sa isang bahay para tumulong nang makita nilang nasusunog ang balkonahe nito sa Cavite City. Ang pinagmulan ng apoy, upos ng sigarilyo na itinapon sa tabi ng paper bag.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang agad na pag-akyat ng mga kapitbahay sa balkonahe ng bahay at nadatnan ang sunog.
Gamit ang fire extinguisher, agad itong inapula ng isang lalaki, at napahinto ang pagkalat ng apoy.
Base sa kuha ng CCTV bago ang insidente, isa sa mga nakatira sa bahay ang naninigarilyo sa balkonahe.
Matapos manigarilyo, itinapon niya ang upos sa tabi ng isang paper bag bago siya pumasok ng bahay.
Pagkaraan ng mahigit limang minuto, nasunog ang paper bag at kumalat na ang apoy.
Sinabi ng may-ari ng bahay na nasa labas siya noon habang nasa ibabang palapag naman ang kaniyang mga kasambahay.
Sa kabutihang palad, nakita umano ng mga kapitbahay ang sunog kaya hindi sila nagpatumpik-tumpik na tumulong.
Tumunog din ang fire alarm kaya naalarma ang mga residente
Walang nasaktan sa insidente dahil sa maagap na pag-aksiyon ng “good samaritans” sa lugar at hindi na rin nagdulot ng malaking pinsala ang apoy.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News