Posibleng magmulta ng hanggang P5 milyon ang pamunuan ng resort na itinayo sa Chocolate Hills protected area dahil sa kawalan ng environmental compliance certificate (ECC), ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Pero ang paggiba sa mga estruktura, pinag-aaralan pa.
"Under the E-NIPAS Law po, 'yun ang mabigat kasi there are penalties for criminal liability. May mga penalty po siya. It is not small, minimum of P1 million to P5 million maximum for criminal liability," pahayag ni DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna sa press conference nitong Biyernes.
"Mayroon pong karagdagang minimum of six years to maximum of 12 years imprisonment for putting up structures without the appropriate permits within the protected area," dagdag pa ni Cuna.
Bukod sa kriminal na pananagutan, posible pang pagmultahin ang operator ng Captain's Peak Resort ng P50,000 hanggang P5 milyon para sa administrative violations, sabi ng opisyal.
Inihayag din ni Cuna na aalamin nila kung may pananagutan ang mga tauhan nila sa lokal dahil sa nakapag-operate ang resort kahit may temporary closure order dito noon pang September 2023.
Idinagdag ng DENR, na may responsibilidad din ang lokal na pamahalaan sa pangyayari.
Kinuwestiyon ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang lokal na pamahalaan ng Sagbayan kung bakit binigyan ng building permit ang resort kahit walang ECC.
Nang tanungin kaugnay sa paliwanag ng lokal na pamahalaan na hindi nila alam ang tungkol sa kautusan ng DENR, sabi ni Loyzaga: "That's not the issue."
"The issue is, does it have an ECC or not? That's the issue… Alam naman po natin siguro at the local level kung ano ang kailangan ma-submit bago mag-issue ng isang building permit sa protected area," giit ng kalihim.
Una rito, ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Sagbayan na nagbigay sila ng building permit sa Captain's Peak Garden and Resort dahil sa clearance na ipinalabas ng Protected Area Management Board (PAMB).
Pero sinabi ni Loyzaga na nakasaad sa resolusyon ng PAMB na dapat munang kumuha ng ECC ang pamunuan ng resort bago magtayo ng estruktura sa lugar.
"I just want to point that out kasi alam naman po natin ang kahalagahan ng isang ECC, especially in a protected area. At 'yan po ay nasa resolution ng PAMB. Ang issue dito, may ECC ba ang application o hindi? At hindi naman po [lingid] sa kaalaman ng LGU na wala," anang opisyal.
Samantala, sinabi ni Cuna na pag-aaralan pa ang usapin sa paggiba ng estrukturang itinayo sa Chocolate Hills dahil nasa pribadong lupa ito na may titulo.
"Ang hindi po pupuwede ay mag-operate sila without the ECC. So the fact that it's a private property, the proponent is the one who spent to put up the structures ay kailangan pag-aralan 'yan," ani Cuna.
Susuriin na rin ng DENR ang iba pang establisimyento na nakatayo sa Chocolate Hills protected area para alamin kung may paglabag din silang ginagawa.
"Even before this press conference we're having now, we already gave instruction to check on all the other establishments within this area of Chocolate Hills," ani Cuna. "We're not singling anybody out. Whatever the policies, laws, rules, and regulations applicable to this particular establishment, we will apply it equally through all the others."— FRJ, GMA Integrated News