Nabulag ang isang 82-anyos na pasyente matapos siyang pagsusuntukin ng doktor na nag-oopera sa kaniyang mata sa China. Ang surgeon at ang CEO ng ospital, sinuspinde.
Sa isang video na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang doktor na tila kalmado pa noong una, hanggang sa bigla na niyang sinuntok ang pasyente.
Dumaing ang pasyente, na maririnig sa video.
Dahil dito, mabilis na lumapit ang ibang staff upang tumulong sa operasyon.
Lumabas sa mga local report na sa ulo sinuntok umano ng doktor ang pasyente.
Naghain ng reklamo ang pasyente matapos ang operasyon dahil hindi naging maayos ang surgery bukod sa pagkabulag ng kaniyang kaliwang mata.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng ospital, inilahad ng surgeon na hindi tumalab ang anesthesia at naging magalaw ang ulo at mata ng pasyente.
Hindi rin umano sila magkaintindihan dahil hindi fluent sa Mandarin ang matandang pasyente.
Inamin ng pamunuan ng ospital na mali ang asal ng doktor sa operasyon, at humingi ng paumanhin sa pasyente at sa pamilya nito.
Binayaran ng ospital ang pamilya ng pasyente ng 500 yuan o katumbas lamang ng halos P4,000.
Noon pang 2019 nangyari ang insidente, ngunit muling naungkat matapos mag-viral ang video online.
Wala pang linaw kung sino ang nagpakalat nito.
Matapos muling ma-expose ang kontrobersiya, sinuspinde ang CEO ng ospital at ang surgeon na isa na ngayong hospital director.
Muli umanong bubuksan ang imbestigasyon at titingnan kung papatawan ng karagdagang parusa ang doktor at ang kaniyang mga superior. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News