Hindi maiwasang mabahala ng mga taga-Talon 4 sa Las Piñas City matapos na manakot at magbanta umano sa kanilang barangay ang isang armadong grupo na tinatawag na "Bayawak Gang."

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang social media post ng grupo na sinasabing pinamumunuan sila ng isang "BOSSBAY."

Ayon pa sa grupo, nagpaplano silang maghasik ng karahasan sa katunggaling grupo.

Makikita rin sa post ang larawan ng mga miyembro umano na nakatakip ang mga mukha at may hawak na matataas na kalibre ng baril.

Nagbigay na ng pahayag ang Las Piñas Police na kinokondena ang banta ng Bayawak Gang.

"Kami ay nakahanda. Binibigyan din namin sila ng babala na mag-isip-isip sila at higit sa lahat, huwag silang gumawa na ikasasakit ng ulo nila pagdating ng oras," ayon kay Police Colonel Jaime Santos, chief of police ng Las Piñas City.

Tinutukoy na ng pulisya ang nasa likod ng mga pagbabanta, at pinaiigting na rin ang pagroronda sa lugar tuwing gabi.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News