Sugatan ang 11 katao, kabilang ang ilang fire volunteer, matapos tumagilid ang isang fire truck na rumeresponde sa sunog nitong Huwebes sa Parañaque City.
Sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo DZBB, sinabi ng Parañaque City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), na tumagilid ang fire truck ng Tiger Kabalikat na nagmula sa Pasay City.
Ayon sa Barangay San Antonio Rescue Team, binabaybay ng fire truck ang kahabaan ng Sucat Road at reresponde sana sa sunog nang mangyari ang aksidente.
UPDATE: 11 sugatan matapos tumagilid ang isang fire truck na reresponde sa sunog sa Brgy. San Antonio, Parañaque City ayon sa CDRRMO @dzbb pic.twitter.com/ti7bgdl4iu
— Luisito Santos (@luisitosantos03) May 18, 2023
Umiwas umano sa isang gutter ang trak ng bumbero kaya tumagilid at tumilapon ang mga sakay na fire volunteer.
Ginagamot sa Ospital ng Parañaque ang ilang nasugatan.
Idineklarang fire under control ang sunog sa naturang barangay nitong 3:04 p.m.
Patuloy ang isinasagawang mapping operation ng Bureau of Fire Protection, kasama ang ibang fire volunteer. Inaalam din sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsalang tinamo sa mga nasunog na mga bahay. --FRJ, GMA Integrated News