Sa paghahangad na mapaganda pa ang kanilang hitsura, ilang tao ang handang gumastos para sa surgery. Pero dahil sa mahal ng gastos, ilan ang sumasali sa retoke paluwagan para magtulong-tulong sa kanilang beauty goals.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing pangarap ng 37-anyos na si Cynthia Heriales, ina na may tatlong anak, na maging sexy.

Dahil dito, sumali si Heriales sa retoke paluwagan, at sumailalim sa buccal fat removal (BFR) kung saan inalis ang sobrang fats niya sa pisngi; v-line surgery para hugis-bigas ang kaniyang mukha; at “foxy” eyes para sa kaniyang chinita look.

“10 kami sa batch namin. Every 15, 30 is 6,000 for four months,” ayon kay Heriales.

Bago nito, nakaramdam ng insecurity si Heriales matapos manganak, lalo nang umabot ang kaniyang timbang ng 75 kilos.

“Sobrang nangamatis talaga ‘yung ilong ko,nagkaroon ako ng double chin, ‘yung tiyan ko talagang parang laging buntis,” sabi ni Heriales.

Naging 36 inches din ang kaniyang waistline kaya hindi siya nakapagsusuot ng sexy na damit tuwing summer.

Una niyang ipinaayos ang kaniyang ilong at gumastos ng P25,000, na galing sa sinahod niyang pera sa karaniwang paluwagan.

Para matupad ang pangarap na makapag-bikini, sumailalim na rin siya sa tummy lipo na pupuntiryahin ang kaniyang bilbil sa halagang P10,000 kada slot. Nakuha sa kaniya ang 2.4 litro ng taba.

Inorganisa ni Beverly Libunao ang retoke paluwagan na sinalihan ni Heriales. Mayroon silang ka-tie up na cosmetic clinic, at nanghihingi sila ng government-issued ID, proof of income at selfie na hawak ang ID bilang paghihigpit sa requirement.

May hinihingi ring written agreement mula sa kliyente na notarized ng attorney.

Sumali rin sa online paluwagan ang 26-anyos na si Joshua Marasigan para ma-achieve ang matangos na ilong, dahil inaasar siya na “busog” dahil sa mataba niyang mukha.

Matapos ang tatlong buwan, sumailalim din siya sa buccal fat removal sa halagang P25,000, para mabawasan naman ang taba sa kaniyang pisngi. Nagbayad siya ng P6,250 kada kinsenas at katapusan.

Plakadong ilong din ang pangarap ni April Tongco, dahil tinutukso siya maging ng kaniyang nobyo.

“Maganda ka sana kaso pango ka,” sabi ni Tongco na pang-aasar sa kaniya ng boyfriend.

Nagbayad siya ng P4,000 kada buwan para sa retoke paluwagan, bagama’t isinikreto niya ito sa kaniyang partner.

“Hindi kasi ako naniniwala na mahalin mo ‘yung sarili mong face. Minsan nabu-bully ka nga, siyempre nakaka-hurt din ‘yun,” sabi ni Tongco.

“Mananatili ang self-acceptance kung sa tingin mo ikaw ay enough or kuntento na sa buhay, may satisfaction at may positive emotion. Basahin natin ‘yung intensyon ng taong nagpaparetoke. Kasi baka mamaya, nagpaparetoke lang ‘yung tao dahil sa udyok ng ibang tao. Kalaunan, hindi naman nila kayang i-sustain o need ang pagpaparetoke at mauwi sa conflict ng pamilya or ng mahal sa buhay,” payo ni psychologist Fernando Carandang Jr sa mga sasailalim sa pagpaparetoke. —LBG, GMA Integrated News