Hindi nadaanan ang dalawang lanes ng New York Avenue matapos matumba ang isang malaking puno ng Acacia at mabagsakan pa ang dalawang sasakyan sa Cubao, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natumba ang puno ng Acacia Martes ng gabi.

Makikita sa CCTV na napahinto ang mga sasakyan nang kumislap ang mga kawad ng kuryente sa pagbagsak ng puno ng Acacia.

Hindi nadaanan ang dalawang lane ng New York Avenue mula sa EDSA hanggang Montreal Street.

Ayon sa Quezon City Traffic and Transport Management Department, putol-putol na ang mga ugat ng puno at bulok na ang pinakailalim ng katawan nito.

Nawalan din ng kuryente ang ilang bahay at establisyimento, pero naibalik din agad.

Naalis ang mga sasakyan na nabagsakan ng mga sanga bago maghatinggabi, at wala namang nasaktan sa mga sakay.

Bandang 6 a.m. nang matapos ng mga tauhan ng Meralco ang kanilang pagsasaayos ng bahagi ng New York Avenue. —LBG, GMA Integrated News