Sa kabila ng higit dalawang dekadang lumipas, hinahangad pa rin ng dating boxing champion na si Luisito Espinosa na makuha ang buong premyo na $150,000 mula sa napanalunan niyang laban noong 1997. Kumusta na kaya ang kaniyang laban sa buhay bilang isang dating atleta?
Sa Reporter's Notebook, sinabing dalawang beses na naging world boxing champion si Luisito, na tinaguriang "Lindol" dahil sa mga nakayayanig niyang suntok at mabilis na kilos sa loob ng ring.
Nakuha ni Luisito ang World Boxing Association (WBA) title sa Bangkok, Thailand, at naging World Boxing Council Featherweight Champion din siya sa Tokyo, Japan noong 1995.
Ngunit isa na pala ito sa mga huling laban ni Luisito.
Nabisita ng Reporter's Notebook noong 2006 sa America si Luisito, na pinasok ang maraming trabaho roon, kabilang ang trabaho sa grocery, at pag-sideline bilang isang trainer sa mga bata.
Unti-unti na ring tumamlay ang kaniyang karera bilang boksingero matapos maloko ng kaniyang promoter ng isa sa pinakamalaki niya noong laban.
Tinalo ni Luisito ang Argentinian na si Carlos Rios noong 1997, pero hindi pa niya nakuha ang premyong $150,000.
Matapos ang 16 taon, muling nakita ng Reporter's Notebook si Luisito sa Quezon City.
Maliban sa naglaho niyang karera, hindi na rin nakakausap ni Luisito ang kaniyang mga anak, magmula nang maghiwalay sila ng kaniyang asawa.
"Super, super sakit. Mahirap 'yung wala akong maitulong. Kaya ang sama rin ng loob ko sa mga anak ko eh, siyempre, sana gumawa rin sila ng paraan para makontak man lang ako," sabi ni Luisito.
Dinesisyunan na ng korte na may sala ang promoter sa kasong isinampa ni Luisito tungkol sa premyong hindi niya natanggap noong 1997.
Gayunman, namatay na ang may-ari ng kumpanya at wala nang makausap sa kanilang panig tungkol sa kaso.
"1997 hindi pa ako nababayaran. Wala na akong pera, kahit isang singkong duling eh. Tinapos ko ang laban, knockout siya, seven rounds. Nasaan ang premyo? Nasaan ang pinagod ko? Lahat hiningian ko na ng tulong. Wala na akong magawa sa sarili ko kundi humingi ng tulong, wala pa rin," anang boksingero.
Ayon naman kay Atty. Omar Benitez ng Boxing Division ng Game and Amusement Board, wala sa kanilang kapangyarihan na igawad ang hindi pa rin naibibigay na premyo kay Luisito.
Hiling ni Luisito na may maitulong ang gobyerno sa mga dating atleta na tulad niya.
Nakikitira ngayon si Luisito sa bahay ng isang kaibigan, na minsan ding inidolo si Luisito.
Tunghayan sa Reporter's Notebook ang maliksi at matikas pa ring si Luisito sa loob ng boxing ring, sa kabila ng kaniyang mga pagsubok sa buhay. —LBG, GMA Integrted News