Hinabol at pinagbabaril ng riding in tandem sa bukana ng isang condominium complex sa Quezon City ang isang lalaking nasa buy and sell business at magbebenta lang sana ng helmet kagabi.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Paolo Raynaldo Lazaro.

Makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Kaligayahan, ang pagtakbo ni Lazaro at isa pang lalaki papasok sa condominium complex.

Pero nadapa si Lazaro at doon na siya pinagbabaril ng salarin.

Apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo ang nakitang tumakas papunta sa Zabarte Road.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay pagkaraan ng dalawang oras.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni QCPD Station 16 Chief Vicente Bumalay, nasa nagba-buy and sale ang biktima.

Lumabas lang umano ng condo ang biktima para katagpuin ang kliyenteng pagbebentahan nito ng helmet. Pero bigla na lang umanong pinaputukan ng mga salarin ang dalawa at tumakbo.

Hindi kinuha ng mga salarin ang motorsiklo at ibebentang helmet ng biktima. Pero ayon sa asawa ng biktima, nawawala ang cellphone nito.

Idinagdag din ng misis na walang naikukuwento sa kaniya ang mister na nakaaway. Hinala niya, na-setup ang kaniyang asawa.

Patuloy na inaalam ng pulisys ang motibo sa krimen. Inaalam din kung may kaugnayan sa nangyari kay Lazaro ang naunang insidente ng pamamaril sa nasabing barangay.

Ilang oras bago patayin si Lazaro, binaril din at napatay habang nag-iinuman ang biktima na si Michael Micuri, isang lineman.

Iniimbestigahan ng pulisya kung iisa lang ang salarin sa magkahiwalay na krimen.--FRJ, GMA News