Nagmisutalang "ghost town" ang isang subdivision sa Rodriguez, Rizal, matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Balitanghali nitong Biyernes.
Halos mga sasakyan na lang ang naiwan sa Estrella Heights sa Barangay Burgos.
Umabot sa lagpas-tao raw ang baha sa ilang parte ng nasabing subdivision, mas mataas pa kaysa noong Bagyong Ondoy noong 2009.
Ayon sa residenteng si Eleazar Moreal, biglaan daw ang pagtaas ng tubig kaya wala halos naisalbang gamit ang mga tagaroon.
Nagsilbing silungan naman ng may 1,000 apektadong residente ang Kasiglahan Village Elementary School. --KBK, GMA News