Dahil sa pagiging pasaway ng isang motorista na pumasok sa isang ginagawang kalsada, lumubog tuloy sa basang semento ang minamaneho niyang kotse sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, bagama't may harang ay pinasok pa rin ng kotse ang ginagawang kalsada sa Malakas Street sa Barangay Central, Quezon City, pasado 1 a.m.
Dahil dito, nabalahaw tuloy ang kotse sa basang semento.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis daw ang pagpapatakbo ng kotse at muntik pang makasagasa ng mga manggagawa.
Nagtulong tulong ang mga construction worker para maialis ang sasakyan sa basang semento. Umabot ng kalahating oras bago ito tuluyang natanggal.
Sinubukan ng GMA Newsna kunan ng pahayag ang dalawang sakay ng kotse pero tumanggi sila.
Sabi ng mga trabahador, mukha raw nakainom ang mga ito. —KBK, GMA News