Viral ang video ng umano'y pamboboso sa jeep ng isang lalaki sa kapwa-pasahero niyang babaeng estudyante sa Biñan, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kuwento ng biktima, papasok siya sa eskwela nang makasabay sa jeep ang lalaki. Ilang saglit pa, nagsimula na itong mag-video.

Ipinuwesto raw ng lalaki ang cellphone sa pagitan ng hita nito, hanggang sa mapansin niyang parang inaayos pa ng lalaki ang anggulo ng cellphone habang nakatutok sa kanya.

Sa isang punto, umilaw pa raw ang flash sa cellphone ng lalaki kaya sinita siya ng biktima.

Tumigil naman daw saglit ang lalaki pero kalaunan ay nag-video ulit.

Sa sobrang takot ng biktima, hindi na niya nagawang pagsabihan ulit ang lalaki  hanggang sa makababa na siya ng jeep. —KBK, GMA News