Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong bigyan ng kompensasyon ang mga sibilyan na nawalan ng tirahan sa nangyaring Marawi siege noong 2017.
Ayon kina Basilan Representative Mujiv Hataman at Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan, inihain nila ang House Bill 3543, o "Marawi Siege Victims Compensation Act of 2019," para mabigyan ng nararapat na danyos ang mga residenteng nasira o nawasak ang tirahan at ari-arian bunga ng limang buwang bakbakan ng tropa ng pamahalaan at mga teroristang grupo.
Hanggang ngayon, kalunos-lunos pa rin umano ang kalagayan ng mga taong naapektuhan ng kaguluhan dahil wala pa rin ang ipinangako sa kanilang rehabilitasyon sa lugar.
Sa ilalim ng panukala, iminungkahi na mabigyan ng kompensasyon na P1,500 per square meter ang mga residenteng nasira o napinsala ang mga bahay; at P2,000 per square meter naman sa bawat commercial structures.
Pero paglilinaw sa panukala, ang mga "lawful owner" lamang ng mga napinsalang bahay at ari-arian ang dapat bayaran.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng Marawi Compensation Board, na paglalaanan ng P30-bilyong pondo para maipatupad ang pagbabayad sa mga biktimang may-ari ng mga bahay at gusali.
"Two years after the Marawi siege, it is heartbreaking that many Meranaw families affected by the crisis still spend their Eid in tents and temporary shelters. I am with them in their suffering and I pray that their suffering will be eased both in law and in life," sabi ni Hataman, dating gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
"I also pray that the rehabilitation of the affected areas will be completed without delay, so that the Meranaw can once again come home to the land of their ancestors, especially the residents of Marawi City," dagdag niya.-- FRJ, GMA News