Hindi inakala ng isang dayuhan at kaniyang kasama na maibabalik pa ang nawala niyang pitaka na may laman na 10 libong euro o katumbas ng halos P600,000 sa isang mall sa Bulacan.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagtungo sa San Jose del Monte Police station ang German national na si Alexander Berth, at kaniyang kinakasamang si Bernadette Castillo, kung saan nila nakuha ang pitakang isinauli ng mag-asawang Felix at Lera Joy Maquiling.
Kuwento ni Castillo, nasa mall sila nitong Huwebes ni Berth nang maiwan ang naturang wallet.
"Nagmamadali po ako, pasok po kaagad ako ng dept. store. Talagang inano ko po 'yan, sabi ko may naiwan po ba kaming wallet dito? So' yun nga po, may nakapulot nga pong iba," sabi ni Castillo.
Sabi naman ni Felix na kaagad niyang inisip na ang babae na nasa unahan niya sa pila ang may-ari ng napulot niyang wallet kaya agad niyang hinanap.
Pero nang hindi niya nakita, nagpatulong siya sa kaibigan nilang pulis na si Senior Police Officer 1 Jacklyn Salboro para mahanap ang may-ari ng wallet, na nagkataon naman na may "common friend" kay Castillo.
Natukoy daw ni Salboro kung sino ang may-ari ng wallet sa pamamagitan ng social media.
"Nakipag-coordinate sa common friend nila at sinabi ko nga po na if puwede magpunta sila sa station para ma-i-proper turn over 'yung pera," sabi ni Salboro.
Ayon kay Lera, hindi pumasok sa isip nila na pag-interesan ang pera dahil hindi naman sa kanila at hindi rin nila pinaghirapan.
"Saka naisip [namin] na merong naghahanap ng pera," aniya.
Sabi ni Castillo, may pinaglalaan silang paggamitan ng pera kaya labis ang tuwa nila na naibalik ito.
"Pinaghirapan po ng asawa ko yan eh hanggang sa naoperahan na nga po, nagkasakit," patungkol ni Castillo kay Berth, na labis na humanga sa katapatan ng Pinoy. -- FRJ, GMA News