Ilang beses tinadyakan ng isang kapapanalo lamang na barangay kagawad sa Caloocan City ang isang lalaki na nang-udyok sa kanyang pamilya na huwag iboto ang opisyal sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sa isang CCTV camera footage na ipinakita sa 24 Oras nitong Linggo, makikitang dumating ang isang lalaki at kinumpronta ang isang grupo ng mga lalaking nakatambay sa tabi ng isang kalsada sa Barangay 151.

Makikitang dinuduro ng galit na lalaki ang isa sa mga nakatambay at ilang saglit ay naganap na ang pananadyak.

Sinubukan awatin ng mga dumating na residente ang galit na lalaki pero patuloy pa rin siya at tinadyakan pa ng isang beses ang tambay.

Napag-alaman na ang lalaking nanugod ay si Barangay Kagawad Tony Cabrera at ang tinadyakan niyang tambay ay si Ruben Morales.

Ayon kay Morales, nagalit sa kanya si Kagawad Cabrera nang sabihin niyang hindi niya ito ibinoto.

"Naglait siya dun, bigla niya akong sinapak tapos nung inaawat siya, mura pa rin siya nang mura," salaysay ni Morales.

Kinumpirma naman ni Kagawad Cabrera na ang ugat ng gulo ay ang hindi pagboto ni Morales sa kanya.

"Ang kinakasama ko lang ng loob inorderan niya raw iyong mga kapatid niya tsaka magulang niya 'wag akong iboto. So parang gusto ko siyang kumprontahin noon," ani Cabrera.

Magkakaso si Morales kay Cabrera. Handa naman umanong harapin ng barangay kagawad ang asunto. —ALG, GMA News